Skip to main content

Pilipinas: Bilang ng ‘Drug War’ Killings Tumaas sa Panahon ng Pandemya

Pagdami ng Atake sa mga Aktibista, Lider ng Mga Komunidad, Tagapagtanggol ng Karapatan

Detainees sleep in an open basketball court inside the Quezon City Jail in Quezon City, Philippines on July 24, 2020.  © 2020 Lisa Marie David/NurPhoto via Getty Images

(Maynila) – Tumindi ang “drug war” killings ng gobyerno ng Pilipinas sa panahon ng Covid-19 pandemya 2020, kasabay ang kalabisan sa pang-aaresto sa panahon ng lockdown, ayon sa Human Rights Watch World Report 2021. Dumami rin ngayong taon ang pag-atake ng pulis, militar at di-kilalang gunmen sa mga makakaliwang aktibista, lider ng mga komunidad at katutubo, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at mamamahayag.

“Para bang sinamantala ng administrasyong Duterte ang Covid-19 curfew noong 2020 para palawigin ang kakila-kilabot at madugong ‘giyera kontra droga,’” sabi ni Phil Robertson, deputy director ng Human Rights Watch. “Kasabay nito, ang ‘red-baiting’ ng gobyerno ay lalong naglagay sa panganib sa buhay ng mga makakaliwang aktibista, mga tagapagtanggol ng karapatan, at iba pa.”

Sa 761-pahinang World Report 2021, sa ika-31 nitong edisyon, sinuri ng Human Rights Watch ang gawaing pangkarapatang pantao ng mahigit sa 100 bansa. Sa kaniyang pangunang sanaysay, naniniwala si Kenneth Roth na dapat na ibilang ang pagrespeto sa karapatang pantao ng susunod na administrasyon ng Estados Unidos sa mga lokal at panlabas na polisiya nito. Gawin sana ito sa paraang mas iiral ang kaligtasan nito sa mga susunod na administrasyon ng US na maaaring hindi gaanong nakatuon sa karapatang pantao. Binigyang-diin ni Roth na gayong inabandona ng administrasyong Trump ang pagprotekta sa karapatang pantao, pinanindigan ng ibang mga gobyerno ang pagtataguyod sa karapatan. Dapat na salihan ng administrasyong Biden, imbes na palitan, itong bagong kolektibong gawain.

Lumala ang sitwasyong pangkarapatan sa Pilipinas sa panahon ng pandemya sa pagpataw ng mahigpit na lockdown measures ng gobyerno na nagresulta sa pagkaaresto at pagkakulong ng libo-libong Filipino, sa mga kondisyong labis na nagpahamak sa kanilang kalusugan. Sa mga unang araw ng lockdown, isinailalim ng pulisya ang mga lumabag sa curfew – kabilang ang mga bata – sa mapang-abusong pagtrato.

Tumaas ang bilang ng “drug war” killings sa Pilipinas nang higit sa 50 porsiyento sa mga unang araw ng pandemya. Iniulat ng pulisya noong Nobyembre na simula nang naging presidente si Duterte, halos 8,000 drug suspects ang napaslang sa police operations. Noong Hunyo, kinumpirma ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights ang marami sa pamamaslang na ito. Pinaniniwalaan ng mga lokal na grupo para sa karapatan at ng Commission on Human Rights na ang aktuwal na bilang ay maaaring triple nitong numero.

Iniulat ng mga tagamasid ng mga karapatan sa Pilipinas noong 2020 na higit sa 160 aktibistang politikal ang pinatay mula nang naging presidente si Duterte noong 2016. May ilan sa mga biktima ang “ni-red tag” o na-red-bait noon ng Philippine military, kapulisan, at mga lokal na grupong kontra-komunista. Kabilang sa target sa “red-tagging” ay mga artista na nagbigay ng suporta sa mga grupong inakusahan ng gobyerno na konektado sa mga komunista.

Muli ring inatake ang media. Noong Hunyo, hinatulan ng korte si Maria Ressa, prominenteng puno ng news website na Rappler, sa tulak ng pamumumulitikang kaso ng cyber libel sanhi ng masugid na pag-uulat ng Rappler tungkol sa “giyera kontra droga.” Noong Hulyo, pinagbotohan ng kongreso ng Pilipinas na kontrolado ni Duterte na hindi i-extend ang prangkisa ng ABS-CBN, ang pinakamalaking television network sa bansa na madalas na nambatikos sa “giyera kontra droga” ng gobyerno, na nagpuwersang mapasara ang network.

“Habang lalong pabagsak ang paggalang para sa karapatang pantao sa Pilipinas, kakailanganin ng mga estadong nababalisa, at mga ahensiya ng UN, na pilitin ang gobyerno ni Duterte na wakasan ang kalupitan at panagutin ang mga dapat managot,” sabi ni Robertson.

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country